UNTITLED:
Naalala ko ang mga araw na lumipas
Na kung saan ay ako lang mag-isa
Sa hindi inaasahang pagkakataon
Ikaw ay pumasok sa mundo ko
Bigla kang dumating,
Bigla nag-iba ang pagtingin sa paligid.
Nang tumama sa’yo ang aking mga mata
Di na ko nagdalawang isip na lumapit
Dumaan ang mga bawat araw
Na pilit kang kilalanin
Halos ang mundo ko’y naging “ikaw” na nga
Hanggang sa “ikaw” at “ako” ay nagkaroon ng “simula”
Ang umaga’t gabi na kinokompleto ng bawat salita na sa’yo lamang nagmumula
Ang pagdaan ng bawat araw na tayo’y magkasama
Miski sa panaginip ko ikaw lang ang nakikita
Ang pagtingin mo
Ang pagtawa mo
Na aking inspirasyon sa paggawa ng musika
Sumasabay sa ritmo ng damdamin
Habang ako’y nagsusulat
Ang mga simpleng bagay na ito ang kumokumpleto sa araw ko
Nasanay na kong mayroong “ikaw” sa “ako”
Ngunit hindi ko akalain na hahantong tayo sa ganito
Nagmahal ka nga ba? Minahal mo ba ako?
Sa bawat saya na nadarama ko
Parang may humihila pabalik sa kung bakit nga ba walang “tayo”
Damdamin mong biglang nagbago ang ihip
Yung dapat na “mahal kita” biglang nagkaroon ng “…siguro”
Biglang may “bakit?”
Biglang may “ewan”
Hanggang sa ika’y lumayo, nakaramdam ako ng takot
Sinuyo ka bawat minuto,
Oras,
Araw.
Pinaglaban ko kung ano ang meron “tayo”
Kahit ang totoo ay may “ikaw” lang at “ako”
Pinilit kong yakapin kung ano ang meron sa “tayo”
Pinilit kong hawakan ang kamay mo
Nandito ako pero bakit pinili mong hindi ako makita
Walang hangganan
Pero nandito na ko.
Ayokong nandito tayo
Di ko inasahan ang pagbitaw mo
Kung sabagay di naman nagtatagal ang bagyo,
dadating ito ng di inaasahan at sira ka nitong iiwan
Hahayaan kang magluksa at
Di mo alam saan muli magsisimula
O kung maaayos pa ba.
Alalahanin mo ang bawat pangarap,
Hindi ko nais na malimutan
Tinalikuran mo ang bawat pangako
Kinalimutan mo ang bawat plano
Hindi ko pa rin alam ang sagot sa tanong
Kung bakit pa ba ako naghihintay sa’yo
Iniisip “Kung titigil na ba?”
“Kung ayaw mo na ba talaga?”
“Kung kakayanin ko pa ba?”
“Kung nandiyan pa ba?”
Kung may darating pa kayang bukas o susuko na ko?
Ngayon, nandito na tayo
Pinipigilang magsalita
Nais ko nalang nalang palayain ang sarili
Marahil
Siguro
Ito na ang sagot
Ngayon nandito na tayo sa huling pagkakataon
Unti-unti kang bibitawan
Dahan-dahan kang iiwan
Hahabulin mo ko at pipigilan
Tanging magagawa ko lang ay yakapin ka
Sasabihing “mahal kita”
Mga matang nangungusap
Sinasabing
Huwag mo kong iwan
Huwag mo kong hayaan
Pigilan mo kong umalis
Humawak ka sa akin at wag ka ng bumitaw muli
Nagbabakasakali na baka magkaroon ng “tayo” ang ngayon
Pero sa oras na yon
Pinigilan ko ang sariling lumingon
Umasa na hahabulin mo
Hinayaan mo ako
At ngayon alam ko
Kung saan ang lugar ko sayo
Kung hindi dito,
dito sa lugar na hinayaan mo ako.










